Si Antonio ay si Antonio
- Lucky Dela Rosa
- Oct 25, 2018
- 2 min read
Ang pagiging ikaw ay hindi lamang nakakulong sa iyong pangalan o katangian. Ang pagiging ikaw ay ang paghanap ng tunay na kahulugan sa iyong buhay. Katuwang nito ay pagkilala sa iyong sarili ng buong buo, at pagtanggap sa iyong identidad na di hamak ay kakaiba sa dikta ng lipunan.
Ipinakita ng pelikulang “Ang Lihim ni Antonio” ang estorya ng isang tinedyer na lalaki na si Antonio na nakakaranas ng krisis ukol sa kanyang sekswalidad. Kung ilalarawan si Antonio, siya ay isang matipunong lalaki, na may katamtamang pangangatawan, at pusturang lalaki talaga. Katulad ng ordinaryong lalaki, mga kapwa lalaki din ang kanyang mga barkada at kasama sa paglalaro. Mahilig silang mag bisikleta, at tulad ng karaniwang lalaki mahilig sila sa mga babae at sa panunuod ng pornograpiya.
Ngunit pinatunayan ng pelikulang ito na ibang iba si Antonio sa lahat ng kanyang mga kaibigan. Nagsimula ang kanyang kasabikan sa kapwa lalaki nang matulog silang magkasama ni Nathan. Hinay-hinay niyang hinawakan ang katawan nito mula ulo hanggang sa pribadong katawan. Pagkatapos ay naghalikan silang dalawa at nagtalik.

Naguluhan si Antonio sa mga nangyari noong gabing iyon, at di niya inakala na iyon ang magiging dahilan upang mawasak ang kanilang pagkakaibigan ni Nathan. Napansin ni Mike na nagkakalabuan na ang pagkakaibigan nila Antonio at Nathan kayat tinanong niya si Antonio. Matapang na umamin si Antonio na mayroong nangyari sa kanila ni Nathan. Ipinaliwanag niya kay Mike ang kanyang nararamdaman ngunit hindi naman nagbago ang tingin nito sa kanya.

Nag patuloy pa rin si Antonio sa paghahanap ng kalinawan sa sarili at kahulugan sa kanyang totong kulay. Ngunit, isang araw ng magdesisyon ang kanyang Tiyuhin na si Jonbert na manirahan sa kanila doon niyang mas nakilala ang kanyang sarili. Hindi siya mapakali nang matulog itong naka underwear lamang. Panay ang kanyang tingin sa katawan ni Jonbert, ngunit nagpakita naman ng ilang mga di pangkaraniwang senyales si Jonbert.

Makaraan ang ilang araw ay nagkaroon sila ng ‘oral sex’ at madalas na itong nangyari sa tuwing patulog na sila. Naging kumportable sila sa isa’t isa at dun nagsimula ang pagkasabik niya sa mga bagay na ‘di mo akaling magagawa niya.

Samantala, ibang klaseng pagkakaibigan naman ang dala-dala ni Mike at Antonio. Pinatunayan ni Mike na ang pagiging bakla ni Antonio ay hindi dapat katakotan kundi dapat unawain. Nilinaw din ni Antonio ang iba’t ibang mga kuro-kuro o pamantayan ukol sa mga bakla. Na hindi lahat sa mga bakla ay gustong mag damit babae o magtayo ng mga parlor at wala naman ding masama dito. Ang bawat isa ay may sari-sariling desisyon kung paano nila ipahayag ang kanilang sarili.

Kakaiba man si Antonio ngunit ang kanyang kwento ay hindi naiiba lalo na sa mga taong di hamak ay takot na ilantad ang tunay na sila. Ang kanilang takot ay buhat ng isang lipunang produkto ng panghuhusga. Kayat espesyal “Ang Lihim ni Antonio” para sa mga miyembro at komunidad ng LGBT na siyang sumasalamin sa kanilang paghihirap, at sumusulong sa kanilang karapatan mapa sa hanggang ngayon.
Comments