Mano Po: Ang Pag-anggulo sa Usapin ng Citizenship ng mga Chinese-Filipino sa Pilipinas
- Lucky Dela Rosa
- Dec 11, 2018
- 3 min read
Kung mayroon mang mga bagay na sumisimbolo sa mga Chinese-Filipino dito sa Pilipinas, ito ay ang pagiging lapit nila sa komersyo at kapital. Ngunit, paano nga ba sila tinuturing dito sa Pilipinas? Masasabi ba nating biktima sila ng rasismo?
Sa pelikulang Mano Po na pinagbibidahan nina Maricel Soriano, Kris Aquino, Ara Mina, Tirso Cruz III, Eddie Garcia, at Boots Anson-Roa na kilala bilang pamilyang Go-- isang makapangyarihang pamilya sa Pilipinas, isinadula ng pelikula ang iba’t ibang problemang kinakaharap ng mga Chinese-Filipino sa Pilipinas.
Ang pelikula ay nakapanahon noong Chinese Revolution (1949) nang mapagdesisyonan ng magkasintahang sina Luis Go (Chinese trader) at Eliza (Filipina) na bumalik sa Pilipinas at doon bumukod dahil sa hindi maayos na pagtanggap ng pamilya Go kay Eliza. Sa deka-dekadang pananatili dito sa Pilipinas, lumago ang kanilang negosyo (food manufacturing conglomerate), dahilan ng kanilang pagkaroon ng kapanyarihan. Tulad ng pamilya Go, mahilig din sa pagnenegosyo ang karamihan sa mga Chinese-Filipino sa bansa kung kayat mainam na ilarawan sa kanila ang salitang komersyo at kapital. Sa katunayan, ang katayuan ng ‘Binondo’ sa Maynila bilang pinakamalaking Chinatown sa Pilipinas ay isang sapat na depenisyon sa kanilang mayabong na paninirahan sa bansa.
Ngunit kakaibang diskurso ang binuksan ng Mano Po nang mapanuod ko ito sa kauna-unahang beses sa klase (Film 100), sapagkat ‘di lamang ito usapin ng tradisyon kundi pati na rin ng identidad na umuugnay sa citizenship bilang pangunahang batis ng pelikula. Samantala, inalarawan naman ng pelikulang Mano Po ang sitwasyong pampultika ng mga bagong Chinese-- ang ethnic Chinese sa Pilipinas upang alamin ang kanilang pagkakaiba sa Chinese ng mainland China
Interesanteng tinalakay ng Mano Po ang Kidnap-for-Ransom bilang primaryang suliranin ng mga Chinese-Filipino. Sa tala, mahigit 1074 na mga Chinese-Filipino na ang naging biktima ng Kidnap-for-Ransom na may kabuuang ransom money na 310.423 milyong piso. Sa katunayan, malay sa pelikula ang krisis na kinakaharap ng pamilya Go na anging biktima ng represyon ng estado tulad na lamang ng pagiging gatasan nila sa mga pulis.
“Talaga namang ginagatasan mo kaming mga Chinese eh…
Aminin mo na, talaga ngang pera lang ang tingin mo sa aming mga Chinese di ba?
Tinuring mo ba kaming kagaya niyo? Sa sampung kinidnap, ilan ang Chinese? O baka naman talagang nagkataon na mas marami sa amin ang gusto niyong kidnapin?"
- Vera Go (Ilan sa kanyang kontrobersyal na linya sa Mano Po)
Lumala ang kwento nang ma kidanap sina Richelle at Juliet na may ransom money na 100 milyong piso. Samantala, “nai-highlight naman ang kidnapping sa mga Chinese-Filipino na naging growth industry at booming business na maiku-kumpara sa kapitalismo dahil sa pagiging komersyo nito. Sa paraang ito, ipinapakita na ang Chinese-Filipino bilang object of exchange na gayo’y nagtatatag ng loheka na kumodismo na naka sandig sa merkadong kalakalan, at dahil laganap ang stereotype na paglalarawan sa mga Chinese-Filipino sa kapital naging pakay na sila ng opresyon tulad ng rasismo at commodity-fetishism, Dela Rosa (2018). Gayunman, dinalumat rito ang usapin ng citizenship ng mga Chinese-Filipino upang ipaglaban ang kanilang karapatan bilang tunay na Filipino.
At base sa aking tinalakay sa final na papel sa Film 100:
“Sa katunayan, binanggit ni Hau na ang mga nangyayaring kidnap-for-ransom ay isang pangyayaring produkto ng realidad at inanak ng neokolonyalismo sa Pilipinas. Sa kaso ng Mano Po, ang pagkidnap sa magkakapatid ay isang manipestasyon rin ng unequal development sa mga kidnappers, at isang kabiguan ng estado sa hindi pagsasakatwiran ng universal law of value sa loob na mga hangganan ng teritoryo. Samantala, inihahambing din ang kriminalidad bilang senyales ng instability sa pagitan ng nasyon at estado sa ilalim ng konteksto ng neokolonyalismo. At para naman sa Kaisa Para sa Kaunaran na isang organisasyon ng komunidad ng Chinese-Filipino, nanindigan sila na Pilipinas ang bansa nila dahil dito sila ipinanganak at lumaki. Bagaman dugong Chinese sila ngunit ang kanilang mga ninuno ay Filipino na siyang nagbigkis sa kanilang pagkatao. Kung babalikan ang pelikulang Mano Po, sinikap nitong ayusin ang mga isyu sa pamamagitan na pagbigay ng maayos na resolusyon na magdadalumat sa buhay ng mga Chinese-Filipino sa Pilipinas. Tulad ng sinabi ni Vera Go sa pelikulang Mano Po, mawalay man siya sa Pilipinas ngunit ang kanyang puso ay mananatili pa rin sa bansa sa ayaw at gusto niya dahil ang pagtakas sa tinubuang lupa ay hindi lubusan. Bukod pa dito, ipinakita naman ng Mano Po ang partisipasyon ng mga kababaihang Chinese sa pagpapalago ng negosyo sa katangian ni Vera Go bilang CEO ng kumpanya, at ang pagsasalarawan ng abanteng babae sa pamamagitan ng pagsugpo ng kulturang patriyarkal,” Dela Rosa (2018).
Comments