top of page
Search

Ang Madilim na Kahapon

  • Writer: Lucky Dela Rosa
    Lucky Dela Rosa
  • Sep 23, 2018
  • 3 min read

Maynila: Sa mga Kuko ng Liwanag

Sa direksyon ni Lino Brocka

Kahirapan ang pangunahing dahilan kung bakit maraming Pilipino ang naghihirap. Kahirapan din ang dahilan kung bakit ang mga taga-probinsya ay dumarayo sa mga lungsod para magtrabaho, sa hangaring makakaraos at guminhawa ang buhay. Ito ang ipinaparating ng pelikulang Maynila: Sa mga Kuko ng Liwanag matapos kung mapanuod ito. Nakabase ang pelikula sa kontemporaryong nobela na isinulat ni Edgardo Reyes.


Layunin nito ang matapat na pagtatanghal ukol sa sitwasyong panlipunang kinakaharap ng mga Pilipino noong taong 1975. Ipinapakita naman ng pelikula ang buhay ng dalawang probinsyanong nakipagsapalaran sa Maynila na sina Julio Madiaga at Ligaya Paraiso bilang representasyon ng mga Pilipinong naghahanap ng liwanag.

Si Julio ay isang simpleng mangingisda mula sa probinsya ng Marinduque at kasintahan ni Ligaya. Si Ligaya naman ay isang probinsyanang biktima ng prostistusyon sa Maynila na pinangakoang bibigyan ng magarang trabaho ng isang ahente. Naging tulay ang pagmamahalan nila Julio at Ligaya upang maisiwalat ang kalaswaan sa Maynila bilang lungsod ng kasawian at pangarap.

Bumungad sa unang kabanata ng pelikula ang isang lugar na pinagtatayuan ng gusali kung saan naghahanap ng trabaho si Julio at naging kontraktwal na manggagawa. Sa katunayan, naging mas makulay ang pelikula nang ipinakita ang hitik nito sa aktwal na karanasan ng mga kontraktwal na manggagawa sa Pilipinas. Tulad na lamang ng ‘taiwan’ - isang sistema ng pagsasahod kung saan tinatalikuran ng kumpanya ang pagbigay ng maayos na sahod, bagkus ay aalokin nila ang mga empleyado ng paunang sahod na may kasamang interes.

Naitanghal din ang makasaysayang lugar na Estero at Sunog-Apog matapos inihatid ni Julio si Atong na kasamahan niya pauwi ng bahay. Nasilayan ni Julio ang pamumuhay ng mga iskwater na walang maayos na tirahan. Mga Pilipinong inanod ng inhustisya sa hindi pagtamasa nito ng kanilang karapatan.


Hindi nahihiwalay sa realidad ang mga kaganapang pumapaloob sa pelikula, at malaki ang naging epekto nito sa akin upang unawaiin ang kinakaharap ng ating lipunanan. Si Julio ay isa lamang sa mga libu-libong biktima ng kawalan ng katarungan sa pagtamasa ng maayos na kalinawan. Ang kanyang pagpunta sa Maynila ay hindi lamang umiikot sa paghahanap ng kanyang kasintahan ngunit sa kagustuhang bumangon sa hirap.

Makatotohanan naman ang ipinakitang realismo ng pelikula sa gampanin ni Ligaya na isang probinsyanang hinimok na magkakaroon ng maayos na trabaho sa Maynila ngunit nauuwi sa isang madilim na karanasan – ang maging babaeng puta. Napilitan na lamang si Ligaya na tanggapin ito dahil sa kanyang kinikita.


Sa kasalukuyan, naiiba ang diwa ng mga kababaihan sa Pilipinas kung saan naging biktima sila ng mahabang pagmamalupit. Sinasalamin nito ang kasaysayan ng pagdudusa ng mga kababaihan noong mga panahong kolonisado tayo ng mga Espanyol at Amerikano. Hanggang ngayon, iba’t-ibang Ligaya na ang pinaglalaruan nang hindi matigil na diskriminasyon at pang-aalipusta.

Naging totoo naman ang pagsasalamin ng pelikula sa realidad ng mga naghaharing uri sa Pilipinas. Noon pa may, nakatali pa rin ang kapalaran ng mga mahihirap sa kamay ng mga mayayaman. Kung saan nakatali din ang karapatan ng bawat manggagawa na nakikibaka para regularisasyon, maayos na sahod at benipisyo. Ang welgang ginanap sa dulong parte ng pelikula ay nagpapakita ng paglaban sa hindi matigil na kontraktwalisasyon sa bansa.


Samantala, mabisa ang realismo sa pagrerepresenta ng kasaysayan gamit ang panitikan na nagsilbing daluyan ng katotohanan at kamulatan. Sa aking pagsusuri, maayos ang dating ng pelikula sa akin dahil naipatampok nito ang iba’t-ibang salik na kinakaharap ng ating bayan. Totoo at maayos ang pagkukwento ng may akda, at nakikita ko ang pagiging bihasa ng manunulat sa wikang Pilipino bilang wikang rebolusyonaryo na nanunuri sa kamalayan ng ating kapaligiran.

Higit sa lahat, mataas ang paghanga ko nang makita kong maayos ang paghihiwalay ng estetika sa totoong mga kaganapan ng Maynila. Nagsilbing taga-pagtampok ng boses ng masa ang pelikula at pwersang sumisilmbolo ng paglaban sa madilim na kahapon.

 
 
 

Comments


© 2023 by The Artifact. Proudly created with Wix.com

bottom of page