top of page
Search

Ang Dakilang Yaman ng Citizen Kane

  • Writer: Lucky Dela Rosa
    Lucky Dela Rosa
  • Sep 24, 2018
  • 3 min read

Luma ngunit natatangi ang talinghagang ibinabato ng pelikulang Citizen Kane sa bawat tagamasid. Sumikat ang nasabing pelikula noong 1941 at naging tanyag ito sa buong mundo bilang isa sa mga pinakadakilang pelikulang nagawa. Si Orson Welles ang utak sa likod ng Citizen Kane na siya ring direktor, samantala, kasama naman niya sa pagbuo ng dula si Herman Mankiewicz.


Premyado ang Citizen Kane at humakot ito ng iba’t-ibang parangal sa buong mundo. Sa katunayan, nominado ito sa Academy Awards at hinirang bilang Academy Award for Best Writing. Natamo naman nito ang pinakamataas na parangal sa American Film Institute noong 1998 at 2007. Pinuri din ito ng karamahihan di lamang sa bukod-tanging naratibo nito kundi pati na rin sa pag-edit, sinematograpiya at sa musika.

Bakit natatangi ang Citizen Kane? Ang pelikulang Citizen Kane ay hindi lamang simpleng pelikula na nakabatay sa kronolohikong pag-aayos, bagkus, ito’y isang pagsisiyasat sa karakter ni Kane. Si Kane ay isang newspaper publisher na nag mamay-ari ng pahayagang Inquirer sa Amerika. Umiikot sa kanyang buhay ang pelikula na siyang pinagbasihan ng mga flashback simula sa Thatcher library, Bernstein’s office, Nursing home, El Rancho nightclub at sa Xanadu.

Nakabatay sa pang-klasikal na tradisyon ang pelikula kung kayat naiiugnay ang naratibo nito sa mga pelikula ng Hollywood. Agaw pansin naman ang pelikula sa akin nang misteryoso itong magsimula sa ideya ng isang mamamahayag na naghahanap ng kahulugan sa salitang “Rosebud” na siyang huling salita ni Kane bago mamatay. Samantala, ipininta naman ang balangkas ng nobela sa pagkilala kay Kane at ang pagbuo ng ekspektasyon sa istorya.


Nagustuhan ko rin ang pag-aayos ng sanhi at epekto sa pelikula na siyang tumatagpi sa kahihinatnan ng mga kaganapan. Sino at ano ang Rosebud? Ano ang relasyon nito sa buhay ni Kane? Nalaman ko ang sagot hanggang matapos ang pagpapadaloy ng mga flashback sa pelikula.


Esensyal naman ang naging gampanin ni Thompson sa istruktura ng pelikula. Ang kanyang mga imbestigasyon ay naging sandigan upang maintindihan ng mga manunuod ang buhay ni Kane. Isa rin ito sa mga naging rason kung bakit maganda ang elaborasyon ng Citizen Kane na ma ikukumpara ko sa Hollywood. Kadalasan isa o dalawa ang pokus ng balangkas sa mga pangunahing tauhan. Para sa pelikulang ito, ang pag-alam ni Thompson sa kwento ni Kane at kung ano ang relasyon ng Rosebud sa kanyang buhay.

Malaki din ang silbi ng iba’t-ibang mga karakter sa pagsisiyasat ni Thompson sa tunay na kahulugan ng Rosebud. Tulad na lamang ni Thatcher na kilala si Kane noong bata pa siya. Si Bernstein, na nakakaalam sa mga pang-negosyong transaksyon ni Kane bilang kanyang manager. Kay Leland na pinakamalapit na kaibigan ni Kane at may alam sa personal niyang buhay at sa kanyang unang asawa. Higit pa dito, si Susan Alexander na kanyang pangalawang asawa.


Nahahati naman sa limang bahagi ang buhay ni Kane: pagkabata, newspaper business, bilang bagong kasal, middle age at pagtanda. News on March, ipinakita dito ang pagkaroon ng depresyon ni Kane na naging dahilan ng pagkawala ng control niya sa newspaper. Sinundan naman ito ng pagkamatay ni Kane, “Charles Foster Kane Dies After Lifetime of Service,” Inquirer. Ito rin ang naging mapa o parallelism upang mapadali ang pagtukoy sa misteryosong buhay ni Kane.

Nang tumanda na si Kane, mas lalo pa siyang nahirapan sa pagtanaw ng kasaiyahan sa sarili, kaibigan at sa kanyang iniibig. Bukod dito, nagka ambisyon din siya na magkaroon ng pwesto sa gubyerno. Ngunit bigo siya sa sa pagkakaroon ng tunay na kaligayahan tulad ng paghahanap ni Thompson sa tunay na importansya ng salitang Rosebud.

Hanggang sa matapos ang pelikula, naging open ended ito sa interpretasyon kung ano nga ba ang Rosebud. Natapos ito sa pamamagitan ng isang shot na siya ring naging simula ng kwento. “No Trespassing,” salitang tumapos sa buhay ni Kane na konektado sa pagkawala ng sled. Isang bagay na sumisimbolo sa kanyang pagkabata at sa pagmamahal ng kanyang ina na siyang natitira sa buhay niya.

Ipinamalas ng Citizen Kane ang estorya ng isang tao na patuloy na naghahanap ng kaligayan sa mundo. Nakita niya lamang ito nang pinahalagahan niya ang karanasan niya kasama ang ina noong pagkabata.

 
 
 

Commenti


© 2023 by The Artifact. Proudly created with Wix.com

bottom of page